Saturday, April 26, 2008

Alaala ng Pagtatapos







Isa na marahil ang Pagtatapos sa mga pinakapaborito kong pagdiriwang sa buong buhay ko. Ang natatanging martsang tila nilikha para lamang sa okasyong ito ay tila mga ulap na nagdadala sa akin sa ibang dimension. Isang lugar kung saan nagkakaroon ng katuparan ang mga pangarap at mga alaala ng mga taon ng pagpapagal ay isa-isang binabalik-balikan at sa gunita'y muling binubuhay.

Isang taon na nang ako ay nagtapos sa Unibersidad. Ngunit hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin sa aking gunita ang kakaibang galak at ligaya ng araw na iyon. Maging ang mga araw ng paghahanda bago pa nito – mula sa pagpili ng barong na isusuot, ang pagkakakilala ni Papa kay DJ; hanggang sa pag-akyat sa entablado ng College Graduation at ang muling pagsabit ng medalya sa University Graduation, ang lahat ng ito ay tila awiting nire-rewind ngayon sa aking isipan.

Ang sarap balik-balikan ng araw na iyon. Bagama't lubos ang kaligayahang dulot nito, hindi maitatago ang lungkot na nadarama ng lahat. Kalungkutang bunsod ng paghihiwalay ng mga kaibigang magka-agapay na sinuong ang mga pagsubok ng pag-aaral sa Unibersidad. Tila hinuhudyat nito ang pagtatapos ng isa pang kabanata ng buhay. Ang paglalagak sa mga makabuluhang karanasan, mga paghihirap at tagumpay, mga kasiyahan at kalungkutang sama-samang pinagsaluhan sa isang bahagi ng nakaraan na tinatawag na alaala kung saan ito'y unti-unting aagiwin, aalikabukin at sa pagdating ng panahon ay makakalimutan.

Asan na ba ang SUTLA? Sila Best, Rosa, Carl, Yani, Shyn at sina Nancy at Chai? Asan na sila? Asan na tayo?


Naalala ko habang binibigay ni Karina David ang kanyang makabuluhang pananalita noong araw na iyon, nagawa kong mag-type sa aking celfone ng isang pamamaalam. Makalipas ang isang taon ay pormal ko itong ibabahagi sa kawalan. Para na rin mabawasan ng laman ng telepono at upang balik-tanawin ang nakaraan:

"Sadyang kaybilis ng panahon. Kailan lang ay nakapila tayo sa AS101, umaasang sa wakas ay mapapabilang din tayo sa mga tinaguriang Iskolar ng Bayan. Nangangamba pa nga tayo noon. 'Di mawari ang nararamdaman. Dala marahil ng isang bagong kapaligiran. Nahihiya, ngunit may tapang na hinaharap ang bawat mukhang nakakasalubong na tila ba sumusukat sa ating pagkatao. Mga mukhang tila nagsasabing, "Di ka bagay dito!" "Ano ang kaya mong gawin?" "Kakayanin mo ba?"


Ngunit heto tayo ngayon. Sinasaksihan ang pagdiriwang ng tagumpay laban sa mga hamong nabanggit. Pinatunayan natin sa lahat at sa ating sarili an gating kakayahan at katalinuhan at sa loob ng apat na taong pagpapagal ay tinamasa rin natin ang pagiging ISKOLAR NG BAYAN.


Pormal nang nagtapos ang aking buhay kolehiyo. Kasabay nito ay ang pamamaalam sa mga nakasanayan – mga monay at taho na nagsilbing almusal; ang walkathon habang lumilipat ng klase; ang pagtambay sa dorm ni Best; ang napakadalang na pagshoshoms sa sunken; ang panananghalian sa FC Gallery 2; ang pagpapa-photocopy sa SC; ang paghuhugas ng paa sa CR; ang pag-cutting class kasama si Best upang pumunta sa SM at manood ng sine pantagal bagot sa araw-araw na pag-aaral; ang pagpupuyat, pandadaot, pamamahiya, pagpapacute, pagdarasal, pagte-text brigade, pag-iyak at pagtawa...Higit sa lahat ang mga nakasanayang propesor at mga kaklaseng naging kaibigan. Sa inyong lahat na bumuo ng mga pahina't nagbigay-kulay dito, maraming salamat!


Sa likod ng mga alinlangan ukol sa hinaharap, naroon pa rin ang pagnanais na balik-balikan ang mga masasaya't nakaka-iyak na alaala nang sama-samang pagbubuo ng mga pangarap sa UP. Isang taos-pusong pagbati sa ating lahat sa ating pagtatagumpay!


Subalit hindi dito natatapos ang ating pakikibaka. Ang malaki at malawak na mundo ay naghihintay. Ipamahagi ang katutuhanang ipinamana sa atin ng Unibersidad. Ipagpatuloy ang pakikibaka bilang ISKOLAR NG BAYAN... sapagkat ang bayan ay matagal nang naghihintay."

No comments: