Monday, May 5, 2008

Bakit puti ang kulay ng ulap? 28 Abril 2008

Bakit puti ang kulay ng ulap? Pero kung minsan ay dumidilim ito. Sinasabi natin maitim...nangungulimlim. Nilikha siyang maputi. Nagpapakita ng kadalisayan. Sadyang napakaganda para sa mga tumitingala rito. Napakatahinik tignan...dalisay...payapa. May mga ulap na nagkukumpol-kumpol at bumubuo ng mga hugis at imahen. Tila sila bumubo ng mga pangarap.

Ngunit may mga pagkakataon na ang mga ulap ay dumidilim. Nag-aalimpuyo sa galit. Nagpapakawala ng mga kulog at kidlat. Lumuluha rin sa pamamagitan ng mga ulan. Nagbabadya rin ang mga ulap ng iba pang damdamin bukod sa kapayapaang dala ng dalisay nitong kulay.

Gaya ng mga ulap na naipaliliwanag ng agham kung bakit nagbabago ang anyo at kulay nito, ang tao rin marahil ay dumidilim, nag-iiba ng kulay. Dala na rin marahil ng mga sitwasyon at pangyayari, maging ng mga kapwa niya "ulap" na sa tuwi-tuwina'y nasasalubong sa kanyang paglalakbay sa himpapawid ang maaaring nakakapagdulot ng mga pagbabago sa kanya. O maaari rin naming dahil sa mga pagbabago sa panahon.

Ang tao'y nilikhang malinis...dalisay...at payapa. Kailan kaya siya babalik sa kanyang likas na anyo?

Masarap masdan ang mga ulap kapag ang mga ito'y payapa, maputi, tahimik. Ganun din kaya ang tao? Kung pinagmamasdan siya ngayon ng kanyang Lumikha matutuwa rin kaya siya? Ano ng nangyari sa tao at nagpatuloy yata siya sa kanyang pagdilim?

Tayo, sa tuwing pinagmamasdan natin ang mga ulap sa kalangitan sa isang maliwanag na araw at sa mga mapuputing ulap na malayang naglalakbay, hindi ba tayo nasisiyahan? Natutuwa? Nagpapasalamat? Ano kaya ang nararamdaman ng Maylikha sa atin sa tuwing pinagmamasadan niya ang taong madilim, nag-aaway, nagdidigmaan? Masarap tignan ang mga ulap kapag ang mga ito ay payapa at hindi sa tuwing nag-aalimpuyo ito sa galit. Sana maramdaman din ito ng tao. Sana...