Monday, June 17, 2013

Martes. Slumbook.

Ilang minuto na lang at maga-ala una na ng madaling araw. Martes. Kauuwi lang mula sa pakikipaghuntahan sa mga kaibigan na nagsimula sa hapunan hanggang sa maghahatinggabi.

Ang katanungan sa isang slumbook, bagamat medyo kwela at mababaw sa unang tingin ay maaari palang maging lunduyan ng mas malalim na pagtatasa sa sarili at kapwa; mga halagahin at paniniwala; sa buhay at mga pangarap.  Ngayong gabi, kasabay ng mahinang pagpatak ng ulan at kapiling ang mga makukulit na kaibigan, nagawa naming sagutin ang mga tanong sa isang slumbook, gayundin ang mga tanong namin tungkol at para sa aming mga sarili.

 Ala-una y media na. May klase pa ako mamya. Bagamat hindi ko naayos ang magiging daloy ng klase ko sa linggong ito, tila may nakahanda na akong bagong istratehiya sa klase. :) Mukhang masusubukan ang  galing ng mga estudyante ko hindi lang sa pagsagot kundi maging sa pag-iisip ng mga malalaim na tanong.



Sunday, June 16, 2013

Catanduanes. Late Posting.

Isa na marahil sa masasabi kong mahalaga at masayang nangyari sa akin sa unang semestre ko rito sa Los Banos ang maimbitahan bilang tagapagsalita sa isang teacher-training seminar sa Catanduanes. Sadyang malapit sa puso ko ang nga guro mula sa Basic Education at ang makapagbahagi sa kanila ay isang oportunidad na hinding-hindi ko pinapalampas.


Kaya't lubos ang aking pasasalamat sa UP Catandungan-Los Banos at sa pangulo nito sa pagtitiwala sa aking kakayahan at kapasidad, ngunit higit sa mainit at masayang pagtanggap at pagi-estima sa buong panahong inilagi ko sa kanilang probinsya. Itinuturing ko ngayon ang aking sarili na mapalad at nakarating ako sa islang biniyayaan ng magandang tanawin, payapa at simpleng komunidad, masayahin at maalalahaning mamamayan, at wikang tila nilalambing ang aking pandinig.


Sa ilang araw na inilagi ko rito ay marami akong namalas na aspeto ng kulturang lubos na nagpapapatunay sa pagkaka-ugnay nating mga Pilipino sa kabila ng pagkakahiwalay na pisikal at heograpikal. Ang mga ilang aspeto sa wika at pamumuhay ay walang dudang Pilipino nga. Ang samyo ng hanging nagmumula sa karagatan ay nagpapaalala ng pagkakahubog natin bilang isang bayan sa kabila ng makukulay at tila magkakaibang kulturang siya namang nagpapatingkad sa ating kalinangan at kabihasnan.


Muli, nagpapasalamat ako sa mga bagong nakilalang kaibigan na siyang nagbukas ng aking kamalayan sa kariktan ng bayang ito at sa mga misteryong kinakanlong ng mga kabundukan at dalampasigang bumubuo rito.


Dios mabalos sa indo gabos, UPCatLB at sa magayong isla ng Catanduanes!

Linggo.


Quarter to seven na. Linggo. Ayon sa planner/timetable ko sa utak, dapat nagawa ko na ang (1) isang powerpoint presentation para sa unang lecture ko tungkol sa 19th century Philippines; (2) nasagutan ang ipinadalang training evaluation questionnaire ni Kang; (3) nakapagplantsa ng mga polong daldahin at susuotin ko sa linggong ito; (4) naayos ang mga file sa mga USB at external harddrive; (5) scan at mag
print ng slumbook sheets para sa SocSci3 class ko; (6) maghanda ng timetable ng mga activity at attendance sheet para sa mga klase ko sa PI10; at (7) magempake ng mga gamit na dadalhin ko sa pagluwas ko sa LB bukas.  Subalit yun nga. sa paglipas nh limang minutong pagtype ng mga naunang pangungusap, dalawa lamang sa limang item sa to-do list ko ang aking nagagawa. Anong nangyari? 

Ano na nga ba ang nangyayari sa akin? Hindi lamang ito isang simple ngunit kumplikadong kaso ng katamaran. Oo. Magulo. Simple ngunit kumplikado. Isang bagay na kailangan kong pag-isipan ng malalim at pagdesisyunan habang may panahon pa. 

Tatlong minuto bago mag alas-otso. Kasabay ng pagtipa sa screen ng iPad ay ang pagsasaayos sa utak ng kung ano-anong mga gawain ang dapat maisagawa ngayong gabi. Kailangan kong kumilos. Hindi ko papayagang tuluyang lamunin ako ng sakit na ito. Dahil pag nagkataon, tuluyan ko ng hindi makikilala at malamang na maikahiya ko na rin ang aking sarili.

Isang minuto na lang. Heto na. Kikilos na.