Thursday, April 1, 2010

Teknolohiya at Lovelife

Sadya ngang naging impersonal ang ugnayan ng mga tao sa kasalukuyang panahon dahil na rin sa teknolohiya. Bagama't 'di maikakaila na lubos din nitong pinagaan ang pamumuhay dulot na rin marahil sa pagnanais nitong solusyunan ang mga komplikasyong siya mismo ang gumawa.

Tila masyadong naging pormal ang panimula…basagin ko na lang sa mga sumusunod na talata.

Alas 2:30 na ng umaga, Biyernes Santo. Di pa rin ako makatulog. Pilit ko kasing hinahanapan ng paliwanag kung bakit ganito kahirap ang maghintay. Ilang araw ko na rin siyang di nakikita. At sa loob ng ilang araw na 'yun ay pinagkakasya na lang namin ang sarili namin sa pagtetext – isang paraan ng pagpapadala ng mensahe gamit ang mga mobile phone. Bagamat, alam naming ang pangunahing gamit ng mga telepono ay upang literal na makipag-usap, ginagamit na ito ngayon upang magpadala ng lamang ng mensahe na tila nakikipag-usap na rin.

Sa pamamagitan ng short messaging service (SMS) na ito ay ipinapadala ang mga salitang lubos na personal at pribado kung tutuusin. "Mahal kita." "I love you." "Namimiss na kita." Mga salitang dapat sana'y binabanggit dahil sa paraang ito'y mas naipadarama ang emosyong kalakip ng mga salita. Subalit sa paglipas ng panahon, dahil na rin sa palasak na paggamit nito sa text ay unti-unti nang nawawalan ng saysay, ng emosyon. Tila mga mantra na lamang sila. Mga ordinaryong salita na unti-unti nang nawawalan ng halaga. Sapagkat, kahit ilang ulit mang makatanggap ng "I love you" nawawalan na rin ito ng silbi sapgakat, WALA NAMANG EMOSYON ANG TEXT.

Marahil, ang isa sa mga hindi kayang gawin ng teknolohiya ay ang lumikha ng emosyon. Sana hindi umabot sa panahong maging ang paggalang sa sarili at pagmamahal sa bayan ay maipapahayag na lamang sa pagitan ng text message o kaya chat. Sapagkat ilang ulit man itong i-type at ipadala, wala pa rin itong emosyong kalakip.

No comments: