Sunday, April 29, 2012

Susan Sontag, "Against Interpretation"

Pagsusuring Artikulo sa KAS 210: Problems in the Interpretation of Philippine History
Inihanda ni: Mark Richardson T. Rovillos
Ika-8 ng Enero, 2011

Susan Sontag, “Against Interpretation,” matatagpuan sa Against Interpretation and Other Essays, New York: Farrar, Straus, and Giroux, 1966, pp. 13-23.

Lumikha ng pangalan si Susan Sontag sa larangan ng panitikang Amerikano bilang isang nobelista at guro, subalit mas nakilala siya sa kanyang mga sanaysay na nakatuon sa kritikang pampanitikan. 1 Sa mga sanaysay na ito tinalakay niya ang pagtatagpo ng tinatawag na “mataas na kultura” at nang “mababang kultura;” ang dikotomiya ng nilalaman at anyo (content/form) sa larangan ng panitikan; at, ang pagtatasa sa ideya ng popular culture, at epekto ng makabagong teknolohiya sa pag-usbong ng isang bagong kamalayan sa larangan ng sining at edukasyon.2

Mahihinuha mula sa mga akda ni Sontag na maaari siyang ihanay sa mga manunulat na nagsusulong ng tinatawag na New Criticism sa larangan ng kritikang pampanitikan. Ang lapit na ito ay nagtataguyod ng pagbibigay-halaga sa intrinsic value ng mga akda o likhang-sining sa pamamagitan ng pagtingin dito bilang mga anyong-sining at hindi sa kung ano ang maaaring interpretasyon o pagpapakahulugan sa mga ito.3

Malinaw na nailahad ni Sontag ang tindig niyang ito tungkol sa bisa ng interpretasyon o pagpapakahulugan sa mga akdang pampanitikan at iba pang anyong-sining sa sanaysay na susuriin ng papel na ito. Sisikapin ng manunuri na talakayin ang kaugnayan ng tindig na ito ni Sontag sa historiyograpiya sapagkat ang kasaysayan din naman ay isang akdang pampanitikan.4

Nahahati ang akda sa sampung bahagi na nagsasalaysay ng sampu ring argumento sa kanyang pagtuligsa sa interpretasyon. Sinimulan niya ito sa paglalahad ng naging bisa ng teorya ng mimetika (mimetic theory) ng mga pilosopong Griyego (Plato at Aristotle) na
tumitingin sa sining bilang isa lamang representasyon ng realidad o ng isang ideya.5 Dahil dito, at bilang pagtatanggol sa sining, umusbong ang dikotomiya ng nilalaman (content) at anyo (form). Para kay Sontag, nakapagpapababa sa sining (philistinism of art) ang pagkakaroon ng dikotomiyang nabanggit na kung tutuusin ay isa lamang ilusyon na nilikha ng interpretasyon.6

Binigyang-kahulugan ni Sontag ang interpretasyon sa ikatlong bahagi ng akda sa pagsasabing ito ay isang:

“...conscious act of the mind which illustrates a certain code... [it] means plucking a set of elements from the whole work. The task of interpretation is virtually one of translation.”7

Ayon kay Sontag, umusbong ang interpretasyon sa kasaysayan nang ang kredibilidad ng mga mito sa pagpapaliwanag ng mga sinaunang kabihasnan ay sinira ng pag-usbong ng mas “makatotohanang” perspektiba ukol sa daigdig bunsod ng Panahon ng Kaliwanagan (Enlightenment). Ginamit ang interpretasyon upang maiaayon ang mga teksto sa kung anu ang nais at kayang intindihin ng mga “makabagong” mambabasa nito. Kung gayon, maaaring sabihin na nilalapit nang interpretasyon ang isang teksto o akda sa sitwasyon ng mga mambabasa nito. Ngunit sa katunayan, ang hangarin ng interpretasyon na mas maipaliwanag ang isang teksto ay mas nakasisira dito lalo’t higit sa pag-usbong ng mga makabagong anyo ng interpretasyon ng sining.

Para kina Marx at Freud, walang kahulugan ang lahat ng mga pangyayaring personal at panlipunan kung hindi ito bibigyang-kahulugan. Dahil dito, umangat ang interpretasyon bilang isang paraan o anyo ng kabatiran. Sa puntong ito, may pag-ayon si Sontag sa kahalagahan ng masusing pagtatasa o pagsusuri ng interpretasyon sa mga akdang batay sa realidad o ‘di piksyon (non-fiction). Kailangang suriin o tignan ang mga interpretasyon batay sa konteksto ng mga pangyayari at maging ang perspektiba ng manunulat nito. sapagkat sa katunayan, may kakayahan ang interpretasyon na baguhin, bigyang-linaw o magpalaya mula sa nakalipas. Ayon sa kanya:

“Interpretation must itself be evaluated, within a historical view of human consciousness. ... interpretation is a liberating act. It is a means of revising, of transvaluing, of escaping the dead past.”8

Nakatuon ang sumunod na bahagi ng akda ni Sontag sa naunang nabanggit na negatibong epektibo ng interpretasyon sa sining, higit sa mga akdang pampanitikan o literatura. Ayon sa kanya, nilalason ng paglaganap ng interpretasyon ang ating kamalayan at pagkakaintindi ng sining. Idagdag pa rito ang sinabi niyang:

“In a culture whose already classical dilemma is the hypertrophy of the intellect at the expense of energy and sensual capability, interpretation is the revenge of the intellect upon art.”9

Para kay Sontag, ang pag-angat ng interpretasyon bilang isang makabagong paraan ng pag-intindi sa mga bagay ay humantong sa pagbaba ng halaga o ang pagkawasak ng ideya ng sining (philistinism of art). Binanggit niya bilang halimbawa kung paanong ang mga akda nina Kafka, Proust, Joyce, Kagan, at iba pa ay naging tampulan ng mga interpretasyon mula sa kritikong tumingin at bumasa sa mga ito gamit ang iba’t ibang lente ng pagsusuri at interpretasyon. Pinapakita ng ganitong uri ng interpretasyon ang ‘di pagkakagusto sa akda at ang pagnanais na palitan ito. Nilalabag nito ang lihang-sining sapagkat pilit itong hinihimay upang maisa-ayos o mai-ayon sa isang partikular na iskema (schema).

At upang makaligtas sa mapangwasak na epekto ng interpretasyon, umusbong sa sining ang konsepto ng “abstraction” at ng “avant-garde” na mas nagbibigay-pansin sa anyo (form) kaysa sa nilalaman (content). Dahil na rin ito sa paniniwalang ang higit na pagbibigay-halaga sa nilalaman ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng samu’t saring interpretasyon. Kung gayon, paano dapat titignan o babasahin ang isang akda o likhang-sining?

Pinanukala ni Sontag ang tinatawag na transparence bilang pinakamataas at pinahahalagahang paraan ng pagtingin sa sining at sa kritikang pampanitikan. Ito ay nangangahulugang pagtingin sa mga bagay kung ano nga talaga ang mga ito at hindi kung ano ang nais nitong ipakahulugan. Sapagkat ang tungkulin ng mga mambabasa at manunuri ay hindi ang humanap ng mga maraming nilalaman sa loob ng isang akda o sining kundi tignan ang anyo at kabuuan nito. Ang halaga ng kritisismo ay ang ipakita kung ano talaga ang isang akda o likhang-sining at hindi kung ano ang ibig sabihin nito. Nagpatuloy pa si Sontag sa pagsasabing, “In place of hermeneutics, we need an erotics of art.”

Pagsusuri:

Sa unang tingin, masasabing hinahamon ni Sontag ang mga historyador sa kasalukuyang panahon na hinubog sa paniniwalang mahalaga ang interpretasyon sa historiyograpiya. Sapagkat ayon nga kay Braudel, ang kasaysayan ay ang kabuuan ng mga salaysay at koleksyon ng mga pananaw o interpretasyong pangkasaysayan. Kung gayon, masasabi bang tutol si Sontag sa pagpapakahulugan o interpretasyon sa kasaysayan?

Upang masagot ang katanungang ito, kailangang tingnan ang pinaggagalingan ni Sontag. Siya ay isang manunulat ng piksyon (fiction), ng mga akdang pampanitikan. Ang kanyang kritika ay nakatuon sa panitikan samantalang ay kasaysayan ay salaysay ng mga totoong pangyayari (non-fiction). Maaari bang gamitin ang mga lapit sa kritikang pampanitikan sa pagsusuri ng kasaysayan?

Nabanggit sa unang bahagi ng pagsusuri na si Sontag ay maihahanay sa mga tagapagtaguyod ng New Criticism at ng pormalistang panitikan sapagkat mas binibigyang-halaga niya ang anyo (form) o istruktura ng akda o ng likhang-sining. Maihahambing, kung gayon, si Sontag sa mga tinatawag na positivist historian katulad ni Leopold Ranke na unang nagbigay-diin sa kahalagahan ng paggamit sa primaryang batis upang magkaroon ng awtoridad ang historiograpiya. Para kay Ranke, ideyal na kasaysayan ang paglalahad sa mga kaganapan batay sa kung “ano talaga ang nangyari.” Tinatawag din itong objectivism sa pagsasakasaysayan. Tulad din ito ng pananaw ni Sontag na kailangang suriin o tignan ang sining o akda sa kung ano ang anyo nito hindi sa kung ano ang nais nitong ipahiwatig.

Ganito ang naging tunguhin ng historiyograpiya noong ika-19 na siglo subalit sa pagpasok ng ika-20 siglo ay binago ito nina Carl Becker at Charles Beard at ng subjectivist historiography. Tinuligsa ni Carl Becker ang pananaw ng mga objectivist na hayaan ang mga batis at datos pangkasaysayan na maglahad ng kasaysayan sapagkat hindi kaya ng mga datos o artipakto (artifact) na magsalita para sa sarili nila sapagkat ang historyador ang maaaring gumawa lamang nito. Dahil dito ay binigyang-halaga ang interpretasyon sa pagsasakasaysayan sapagkat “ang sinumang historyador ay may sariling pananaw o ideolohiyang nagbibigay-hugis sa kanyang pabuong muli sa mga pangyayari sa pamamagitan ng pagsulat nito.” Nagsisimula ang interpretasyon ng historyador sa pagpili pa lamang ng paksang tatalakayin at ilalahad. Maging ang pagpili ng wikang gagamitin sa pagsasalaysay ay nakabatay sa sariling pananaw ng historyador at nagtatakda rin kung sino ang iaasahan niyang babasa at makaka-unawa sa kanyang akda.

Bagamat may ganitong paglilinaw, maaaring sabihin ng may-akda na hindi naman lubusang ‘di sinasang-ayunan ni Sontag ang interpretasyon kung iuugnay ito sa disiplina ng kasaysayan. Ito nga marahil ang sinasabi niya, “interpretasyong nakakapagpalaya sa patay na nakaraan.” Sapagkat binubuhay at binibigyan ng bagong pagpapahalaga ng interpretasyon ang mga pangyayari. Subalit may kasamang paghamon ang tinuring na ito ni Sontag, ang maging mapanuri sa pagpapakahulugan sa mga pangyayari. Kailangan ng tamang pagsasakonteksto at pagsasa-alang-alang sa perspektiba ng manunulat o ng akda.


Notes:

1 Ang ilan sa mga akdang pampanitikan ni Sontag ay ang mga nobelang The Benefactor [1963], Death Kit [1967], The Volcano Lover [1992] at In America [1999]. Nakapagsulat din siya ng ilang mga dula, mga maiikling-kwento, mga pelikula at mga sanaysay. Tignan ang website na http://www.susansontag.com/SusanSontag/index.shtml para sa tala ng kanyang mga likha.
2 Tignan ang artikulo ni Tresa Grauer mula sa website ng Jewish Women’s Archive. Jewish Women: A Comprehensive Historical Encyclopedia. http://jwa.org/encyclopedia/article/sontag-susan
3 “New Criticism,” Encyclopedia Britannica, http://www.britannica.com/EBchecked/topic/411305/New-Criticism
4 Theodore Roosevelt, History as Literature and Other Essays, (New York: C. Scribner's sons, 1913). Maaari ring tignan ang kopya nito sa website na http://www.bartleby.com/56/ Ito ay sinasang-ayunan ni Hayden White (Metahistory: The Historical Imagination in the 19th Century Europe) sa pagsasabing, “the work of history is in the form of a narrative prose discourse which is not only a contribution to historiography or historical science but also a literary product susceptible to literary and linguistic analysis.”
5 Susan Sontag, “Against Interpretation” matatagpuan sa Against Interpretation and Other Essays, (New York: Frarrar, Straus and Giroux, 1966), p. 13.
6 Sontag, p. 15.
7 Ibid.
8 Sontag, p. 17.
9 Ibid.

No comments: