Sunday, April 29, 2012

Romeo V. Cruz, "Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino"

Pagsusuring-Aklat sa KAS 250: Seminar in Philippine History
Ni: Mark Richardson T. Rovillos
Ika – 25 ng Abril, 2012

Cruz, Romeo V. Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino. Quezon City: Alemar-Phoenix Publishing House, Inc., 1975.

Matatagpuan sa pabalat ng aklat ang isang maikling pagpapakilala sa may-akda. Ayon dito, si Romeo V. Cruz ay “isa sa mga kinikilalang progresibong mananaliksik at manunulat ng kasaysayan ng Nasyonalismong Filipino.” Ito ay mahihinuha mula sa mga akdang kanyang naisulat tungkol sa paksang ito na nailathala sa iba’t ibang magasin at dyornal sa Pilipinas.1 Nagsilbi rin siyang lecturer sa ilang mga unibersidad sa Estados Unidos mula 1969 hanggang 1971. Siya rin ay naging tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas –Diliman mula Agosto 1973 hanggang Marso 1974 at sa mga taong 1982 hanggang 1983 ay naging pangulo ng Philippine Historical Association.

Sa kanyang akdang, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, mababatid ang pagtatangka ni Romeo V. Cruz na sagutin at talakayin ang tatlong batayang katanungan: (1) ano ang nasyonalismo?; (2) ano ang nasyonalismong Filipino; at, (3) paano nabuo ang uri ng nasyonalismong nabanggit? Hinati sa walong bahagi, ang akda ay masinsing tumatalakay sa pagsibol ng damdaming makabayan sa Europa at kung paano nakarating ang “dayuhang konseptong” ito sa Pilipinas upang maging isang mahalagang bahagi ng kultura at kamalayang ipinamalas ng mga Pilipino sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan. Mahalagang banggitin na nagbigay rin siya ng kronolohiya ng pagsibol ng nasyonalismo sa Pilipinas na pahapyaw niyang tinalakay sa paunang talata ng kanyang akda.2

Ang mga Gusot sa Suliraning Nasyonalismo

Sa unang bahagi o kabanata ng akda ay mababasa ang paglalahad ni Cruz ng mga suliranin o kahinaang kinakaharap sa pag-aaral at pagsusulat ng tunay, “bago at kapani-paniwalang kasaysayan ng nasyonalismo sa Pilipinas” (p.1). Dito ay inisa-isa niya ang kawalan ng consensus ng mga historyador sa kung kailan umusbong at kung sinu-sino ang mga nagpa-usbong o nagpa-alab ng damdaming ito sa bansa.3

Ipinaliwanag din niya sa bahaging ito na ang dahilan ng pagkakaiba-ibang ito ng mga historyador ay nakabatay sa tatlong aspeto o batayan – obhetibo, [h]istorikal, at mga subhetibong kadahilanan. Binigyang- kahulugan ng may-akda ang pagkakaiba at pagkakaugnay ng tatlong nabanggit na aspeto sa pagbubuo ng mga historyador ng kani-kanilang diskurso ukol sa kasaysayan ng nasyonalismo sa Pilipinas.

Tumutukoy ang obhetibo sa mga materyal na batayan ng nasyonalismo / pagkabansa tulad ng wika, lupain, kaugalian, at iba pa. Ang batayang historikal naman ay tumutukoy sa mga makasaysayang pangyayaring pinaniniwalaang nagbunsod sa nasyonalismo. At pangatlo, ang pagkakaiba-iba sa kronolohiya at personalidad ay batay sa personal na kagustuhan o batayan ng pamimili ay siyang ibig ipahiwatig ng subhetibong kadahilanan. Naniniwala rin si Cruz na ang damdaming nasyonalismo ay dumaan sa isang mahabang proseso at kagyat na lumilitaw o naipamamalas. Ayon sa kanya: “nakaligtaan ng ating mga mananalaysay na ang pag-usbong ng isang ideolohiyang gaya ng nasyonalismo ay mabagal at maaaring umabot ng maraming taon” (p.4). Nakagugulat din ang kanyang pananaw na “ang kaisahang kultural ay hindi masyadong kailangan sa nasyonalismo” sapagkat batid niyang sadyang “watak-watak” ang mga kultura sa bansa at mahihirapang ito’y pag-isahin. Sa kabila ng kaisahang kultural ay mas binigyang-halaga nito ang kolektibong negatibong reaksyong pampulitika sapagkat “ang obhetibong nilalaman ng nasyonalismo ay hindi gaanong mahalaga kaysa sa subhetibong nilalaman sapagkat ang huli ay isang damdaming nagtutulak sa mga tao upang mahalin nila ang una” (p.5).

Mahalagang banggitin na sa unang bahagi pa lang ay lumilitaw na ang ilang mahahalagang punto ni Cruz. Una, ang konsepto ng nasyonalismo ay naka-angkla sa konsepto ng nasyon o pagkabansa. Ikalawa, hindi ito umuusbong saisang iglap lamang. At ikatlo, upang maituring ang isang pangyayari bilang makabansa, kailangan na ito ay nagsusulong na “paunlarin ang kabutihan ng nakararami” at hindi ng ilang piling sektor lamang.

Ang Kahulugan ng Nasyonalismong Filipino

Binigyang-kahulugan ni Cruz ang nasyonalismong Filipino bilang “isang makabagong usbong ng damdaming makabayan na hindi nagsimula bilang walang katulad na kanarasan ng ating bansa” (p.9). Ang damdaming makabayan na binabanggit niya rito ay inilarawan niya bilang mga anyo ng katapatang ipinamamalas ng isang tao sa kanyang grupo o samahang kinabibilangan. Ito ay nagbunsod sa tinatawag niyang seksyonalismo at nasyonalismo – mga dalawang uri / anyo ng katapatang ipinamalas nina Rizal at ng ilang mga repormista sa kanilang pagtataguyod para sa asimilasyon sa pamahalaang Espanyol. Ipinaliwanag niya ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa layuning asimilasyon ng mga repormista bilang pag-uugnay ng dalawang anyo ng katapatan4 sapagkat, “ang pambansang katapatan ay hindi salungat sa ibang uri ng katapatan... [at] isang tunay na katotohan na ang pagkamakabansa ay lalong yumayabong hindi sa pagsalungat at paglaban sa ibang uri ng katapatan, kung hindi ang paglukob nito sa huli upang gawing kumplemento ang mga katapatang ito.”5

Para kay Cruz, ang nasyonalismong Filipino ay walang katulad sapagkat ito ay bunga ng mga “krisis at daluyong ng puwersa ng kasaysayan na siyang katalista sa pagkakaisa ng taong-bayan” (p.10). Itinuring rin niya ang paglitaw ng nasyonalismo bilang “pansamantalang yugto ng kultura, isang katawan ng ideolohiya na ginagamit ng iba’t ibang tao para sa kanilang kapakanan at ayon sa kanilang pag-uugali.” Iniuugnay ng may akda ang nasyonalismo bilang isang anyo ng katapatang ipinamamalas ng mga indibidwal na nagkakaroon ng epekto o impluwensiya sa normatibong sistema na siyang nagtutulak sa pagkakabuo ng ideolohiya (p.10). Kung gayon, para kay Cruz, ang nasyonalismo ay hindi lamang isang damdaming o katapatan ngunit isa rin itong katawan ng ideolohiya at yugto ng kultura ng isang grupo o samahan.

Ang Nasyonalismong Hiram at Tanim

Pagkatapos ilantad ang pagkakaiba ng mga historyador sa kanilang pagpapanahon at pagpapakahulugan sa nasyonalismong Filipino sa mga naunang bahagi, ay pormal naman niyang inugat ang naging daloy ng pagsibol nito mula sa Europa noong ika-18 siglo hanggang sa makarating sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga Kriyolyong Amerikano at Filipino noong ika-19 na siglo. Sa bahaging ito rin inisa-isang ipinaliwanag ni Cruz ang mga uri, anyo, at katutubong katangian ng nasyonalismo sa bawat yugto ng ebolusyon nito.6

Umusbong ang “pangunang anyong promal ng nasyonalismo” – ang Nasyonalismong Makatao (Humanitarian) bilang resulta ng kaganapang pulitikal at intelektwal noong ika-18 siglo sa Europa. Ang panahong ito’y sumasaklaw rin sa panahon ng kaliwanagan kung saan lumaganap ang mga kaisipan nina Rosseau, Herder, at iba pa. Ang pangunang anyong ito ang pagmumulan ng tatlong sumunod na anyo ng nasyonalismo – Hakubin, Makaluma at Liberal (p. 12). Ipinaliwanag ng may-akda kung paanong ang mga sumunod na uri / anyo ng nasyonalismo ay resulta lamang ng pagtugon ng mga pilosopo / tagapagpaliwanag (theorizers) sa mga nagiging kaganapan sa Europa noong panahong iyon. Mahihinuha mula sa akda na ito rin ay bunga ng pagsasalikop ng mga tagapagtaguyod, uring kanilang pinangangalagaan at ang mga batayang halagahin (values) na kanilang isinusulong.

Sa tatlong uring umusbong mula sa Makataong Nasyonalismo, ang Nasyonalismong Liberal ay sinasabing madaling kumalat at laganap na tinangkilik ng panggitnang-uri para rin sa kanilang sariling kapakanan. Ayon nga kay Cruz, “ang mga liberal na nasyonalista ay hindi aristokrata sa pananaw; at bagama’t nagtataguyod sa prinsipyong demokrasya sa salita, ay makapanggitnang-uri lamang” (p.14). Ipinaliwanag din niya na sa pagkakataong kinakailangan, ang mga Liberal ay humahantong sa isang marahas na uri ng nasyonalismo na nagpapakita ng dahas. Ito ay tinignan ni Hayes bilang “pinakahuling yugto sa buhay ng mamamayan na nagbibigay-diin [na] sa kapakanan ng Bayan sa halip na kalayaan ng mamamayan” (p.15).

Isang malinaw na manipestasyon ng paglaganap ng nasyonalismong Liberal sa Espanya na nagkaroon ng epekto sa Pilipinas ay ang pagkakabuo ng Konstitusyon ng 1812. Sa puntong ito ay nahaluan ng sangkap ng demokrasyang imperyal ang nasyonalismong Liberal. Ang pagkakabuo ng bagong nasyonalismong Liberal-Imperyal ang nagsimulang magtaguyod ng uri ng nasyonalismong kasali ang mga kolonya at ang mga mamamayan nito, kabilang ang Pilipinas (p.16). Alinsunod sa dekreto ng 1809, ninanais ang “pagbubuo ng isang Imperyong Federal na ang mga kolonya ay kasapi bilang probinsya at ang mga nasasakop na tao ay maging mamamayan ng Espanya na may karapatang magpadala ng kinatawan sa Cortes... [na naglalayong] ... mapalakas at nang hindi malagot ang dugtong na pagkakaisa ng lahat ng kasapi sa imperyo” (p.16). Ang mga pangyayaring ito sa Espanya ang siyang magiging lunsaran ng nasyonalismong makararating sa Pilipinas sa unang bahagi ng ika-19 na siglo.

Ang Klase at Ang Nasyonalismong Imperyal at Liberal

Sa ikaapat na bahagi ay ipinalalagay ng may-akda na ang nasyonalismong Impeyal at Liberal na lumaganap sa Espanya noong ika-18 siglo ay nakarating at lumaganap sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga dayuhan, Kriyolyo, o mga kolonyal na opisyales mula sa Europa o Amerika sapagkat sa mga panahong ito ang ugnayang Filipinas-Espanyol ay hindi laging madalas. Idinagdag pa niya na una itong kumalat sa mga komunidad na Espanyol sapagkat sila naman ang nakaiintindi ng mga balitang nasa wikang Kastila at sila rin ang una at tuwirang maaapektuhan ng mga pagbabagong sosyo-pulitikal sa peninsula (p.17).

Ang naging impluwensiya ng ganitong damdamin at kamalayan ang nagtulak sa pagpapalabas ng iba’t ibang dekretong “bagama’t pahapyaw ang pagsasakatuparan at kadalasa’y hindi ginagawa” ay nagpapakita pa rin ng pagnanais na baguhin ang lumang sistema upang mas maging maalwan ang pamumuhay ng nakararami.7

Pormal na pumasok ang nasyonalismong Liberal at Imperyal sa bansa noong 1813 nang ipinahayag ang ConstituciĆ³n doceaƱista (Konstitusyon ng cadiz, 1812). Bagamat naging makitid ang kaalaman ng mga peninsulares dahil sa paglalayong mas itaguyod ang kanilang sarili, binigyang-halaga pa rin ito ni Cruz sapagkat unti-unting naitanim at umusbong ang ideya ng nasyonalismo hindi lamang sa mga “Piling Taong Kolonyal” kung hindi maging sa mga Indio – principales man, paring sekular, o mga anak-pawis (tulad ng mga taga-Ilokos) o mga “masa” bagama’t sa magkakaibang panahon at pagkakataon (p. 23).

Bukod sa nabanggit, ang isa pang dahilan sa paglaganap ng nasyonalismong Liberal-Imperyal sa ibang grupo ng tao sa lipunang kolonyal sa Pilipinas (i.e. insulares, mestiso, indio) ay ang “lumalakas at nabubuong istratipikasyon ng lipunan dulot ng alitang sosyal at pulitikal at maging panrelihiyon (sekularisasyon) sa pagitan ng mga peninsulares at insulares at mestiso (p. 27).

Sa loob ng panahong tinatalakay, nabanggit ni Cruz ang mga elitistang kolonyal (peninsulares) ang mga “naunang nasyonalista sa Pilipinas” subalit ang mga Kriyolyo / insulares naman ang mga “masigasig na tagatangkilik nito” sa pakikipaglaban ng huli sa kapantayang pulitikal at panlipunan. Subalit sa pagpasok ng kalagitnaan ng dantaon 18 ay napunta sa mga mestiso ang pamumuno sa kilusan (p. 32). Ang lumalakas ng kapangyarihang pang-ekonomiya at pampulitika ang nagdulot ng pagbabagong ito para sa mga mestiso.

Mahalagang banggitin na sa bahaging ito, tinignan ni Cruz ang sekularisasyon bilang kawangis ng asimilasyon sapagkat kapwa ito nagtataguyod ng kapantayan sa mga Espanyol. Ayon sa kanya, “kung papantayin sa paningin ang mga Filipino at Kastila, ito’y palatandaan ng pagtitiwala sa dalawa, at magiging daan upang ang Filipinas ay maging bahagi ng imperyo at Federasyong Kastila” (p.34).

Ang Bagong Tradisyon: Ang Pagsasabansa ng Liberal-Imperyal na Nasyonalismo

Para kay Cruz, bagama’t naantig ang damdamin at isipan nina Rizal at Del Pilar sa nasaksihang pagbitay sa GOMBURZA noong 1872, hindi dito tuluyang nagsimula ang pagsasabansa ng nasyonalismong Liberal-Imperyal. Sa paglipas ng sampung taon, umusbong ang uring ilustrado na siyang magpapatuloy ng kilusang dating pinamunuan ng mga mestiso (p.39). Ngunit sa pagpapatuloy na ito ay lilitaw pa rin ang tradisyong konserbatibo-reaksiyunaryo na mahihinuha sa mga itinataguyod ng mga propagandista sa kanilang mga pahayagan – ang asimilasyon. Sapagkat naniniwala ang mga propagandista na makakamit ang mga liberal at demokratikong pagbabago ng hindi humihiwalay sa Imperyong Espanyol. Dahil dito, inilarawan ni Cruz ang mga propagandista na, “... sa salita, sila ay rebolusyunaryo, ngunit sa kaisipan at sa gawa, sila’y tunay na konserbatibo. ... at ang dalawang katapatan sa puso at isipan ng mga propagandista ay hindi dalawang magkaibang damdamin kundi iisa lamang” (p.41).

Subalit ang patuloy na paglilibak at pagpapamukha ng mga Espanyol sa kababaang-uri ng mga Filipino ang magbubunsod sa pagsibol ng tradisyon ng nasyonalismong Radikal o Marahas (p.42). Ayon kay Cruz, “[a]ng lumipas na karanasan ng Filipino sa kamay ng mananakop ay siyang nagbunsod sa mga propagandista upang isa-[P]ilipino at bigyan ng kahulugang Filipino ang hiram na konsepto ng nasyonalismo” (p.42). Dito lumabas ang mga sagutan sa panitikan sa pagitan ng mga propagandista at mga prayleng kanilang tinutuligsa dahil sa pagsira ng huli sa isang kasunduang naihahalintulad ng mga nauna sa Kontratang Sosyal ni Rosseau (p.44).

Nagpatuloy ang paglaganap ng pagsasa-Filipino ng Nasyonalismong Liberal-Imperyal sa pamamagitan ng mga hakbanging ginawa ng mga propagandista tulad ng pagtatatag ng mga balangay ng Masoneriya (p.46) at ng isang “bagong lipunang Filipino” sa anyo ng La Liga Filipina ni Rizal (p.47). Subalit sa pananaw ni Cruz, sinasabi niyang ang lipunang nais itatag ni Rizal ay maaaring maging isang sangkap ng Pederasyong Kastila (p.47).

Ngunit sa pagpasok ng huling yugto ng Kilusang Propagandista, tila may pagbabagong bihis ng nasyonalismong lumaganap sa Pilipinas. Pinaniniwalaan ng may-akda na narating ang rurok ng “Filipinasasyon ng nasyonalismo” ng marami sa mga Pilipinong kaanib sa kilusang propagandista ang “buong kapaitang inihiwalay ang kanilang kaisipan sa konsepto ng Hispanismo” (Nasyonalismong Liberal-Imperyal) dahil sa kabiguan ng Espanya na bigyang-tugon ang kanilang mga hinaing. Pinamunuan ni Del Pilar ang “[pagha]hanap ng bagong lunas at paraan upang makamit ang kaligayahang ipinagkait ng Inang Bayan (Espanya)” na humantong sa kanyang pagbabalak na magtatag ng isang samahang paghimagsikan (p.48). Naniniwala si Cruz na dahil sa pagmumungkahi ni Del Pilar ng rebolusyon, “siya ang nagbigay-daan sa bagong Nasyonalismong Filipino na kapwa radikal at mapagpalaya na isasabuhay ni Bonifacio at ng Katipunang kanyang itinatag (p.50).

Ang Masa at Ang Nasyonalismong Radikal

Sa ilalim ng bagong anyo ng nasyonalismong Filipinong itinaguyod ng Katipunan ay nabuo ang panibagong anyo ng kaisahan – ang “kaisahan ng mga Filipino bilang isang malayang bansa at hindi bilang bahagi ng Pandaigdig na Bansang Kastila” (p.51). Sa mga panulat nina Bonifacio at Jacinto ay mababanaag ang paghihimagsik upang wakasan ang paghihirap ng taong-bayan. Itinuturing rin ito ni Cruz na pagtalikod sa “tradisyon ng Nasyonalismong Liberal” sapagkat ito ay isang ideyang labas sa pandaigdig na lipunang Kastila na taliwas sa isinusulong sa unang yugto ng kilusang propagandista. Dito ay itinataguyod ang ideya ng demokrasya, kapantayan, karapatan at kalayaan, at maging ang wastong pamamahala.

Mahalagang banggitin na ang pinakamalaking pagkakaiba ng Nasyonalismong Radikal sa Nasyonalismong Liberal ay makikita sa pagpapahalaga sa pagganap ng tungkulin ng Espanya sa Pilipinas. Ayon kay Cruz, “[s]amantalang hindi sinisisi ng propagandista ang Inang Espanya, at ang kanilang pinagbuntunan ng galit ay ang paring katiwala, ang mga rebolusyunaryo ay sinisisi ang Espanya sa hindi nito pagganap sa kanyang tungkulin bilang ‘ina’” (p. 53). Wika nga ni Bonifacio sa kanyang Huling Pakiusap ng Filipinas, “Ikaw, o pabaya at masamang Ina, Na siyang dahilan ng aming kapariwaraan, ihanda ang libingang paghahantungan ng maraming bangkay.”

Ang Dalawang Tradisyon: Pagsusuri at Paglalagom

Sa pagtatapos ng akda, sinuri ni Cruz ang dalawang tradisyon ng nasyonalismong lumaganap at nananatili sa Pilipinas mula noong unang bahagi ng ika-19 na siglo hanggang sa pag-usbong ng isang bagong tradisyon noong panahon ng Batas Militar. Para sa kanya, ang kasaysayan ng Pilipinas ay kakikitaan ng tunggalian sa pagitan ng dalawang tradisyon na ito. May mga panahong mas nakapangyayari ang isa, habang ang isa naman ay nagkukubli at nanahimik. Ang ganitong kalakaran sa pagitan ng dalawang tradisyong Liberal at Radikal ay nakabatay sa kung sino ang nasa kapangyarihan at ano ang kalagayang pambansa.

Ang panahon ng ikalawang yugto ng Himagsikang Pilipino ay kakikitaan ng pagtatagumpay ng Konserbatibong Nasyonalistang Liberal, na bagama’t inalisan ng nilalamang Hispanismo, tigib naman ito ng mga adhikaing nagtataguyod sa panggitnang-uri. Ayon nga kay, Felipe Calderon, may-akda ng Saligang Batas ng Malolos, ninanais niya “na makitang ang ologarkiya ng mangmang ay mapasailalim ng oligarkiya ng marurunong” (p. 58). Sa panahon naman ng digmaang Filipino-Amerikano, kinakitaan ito ng pakikipaglaban ng mga Radikal sa kabilang ng pamamayagpag ng mga Nasyonalistang Liberal na sa pagtatagumpay ng mga Amerikano, ay muling binuhay ang “reaksiyunaryong layuning asimilasyon” (p. 58).

Ang ganitong tradisyon ng mga Liberal ay makailang beses namauulit sa kasaysayan lalo ng noong panahon ng mga Hapon kung kailan muling nabuhay ang usapin ng kolaborasyon. Ayon nga sa may-akda, “likas na sa ideolohiyang Nasyonalismong Liberal ang bumagay sa lahat ng panahon at situwasyon upang ang interes ng tagataguyod ay mapabuti. Nakapagdadamit ang Nasyonalismong ito ng lahat ng klaeng ideolohiya upang itabing sa katawan nitong konserbatibo, reaksyonista, at mapagbalatkayo”(p.59-60).

Sa kabilang banda, hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay magkatunggali ang dalawang tradisyong ito. Sapagkat may mga pagkakataon na ang dalawang uri ng nasyonalismo ay nagsasama upang itaguyod ang kapakanan ng mas nakararami lalo’t higit sa panahon ng pambansang kagipitan. Halimbawa rito ay noong Ikalawang Yugto ng Himagsikan at noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasalukuyang panahon ay nagpapatuloy ang pagkakahati ng tradisyong nasyonalismo sa Pilipinas alinsunod na rin sa mga halagahing itinataguyod ng bawat uri / anyo. Nagpapatuloy sa liderato ng pamahalaan ang mga Liberal samantalang nagpapatuloy rin sa pakikibaka ang mga tagapagmana ng nasyonalismong Radikal sa ilang mga bahagi at sektor ng lipunang Pilipino.

Kung gayon, maaari bang sabihin na walang iisang anyo ng nasyonalismo sa Pilipinas. Subalit ang katapatang ito, anuman ang uri o anyo ay manipestasyon ng normatibong sistema ng bawat indibidwal – nakaugat ito sa kanyang personal na pamantayan ng tama o mali na sa pangkalahatan ay inaasahang magtaguyod sa ikabubuti ng mas nakararami.


Mga Tala:

1 Ilan sa kanyang mga akdang nailathala ay ang “The Filipino Collaboration with the Americans,“ Comment, No. 10 (1960); “Apolinario Mabini: A Silhouette,” University College Journal (1961); “The Founding of the Aglipayan Church,” Philippine Social Sciences and Humanities Review, No. 2 (June 1961); “Philippine Nationalism in the Nineteenth Century,” sa Historical Bulletin (1962); “The Nationalism of Marcelo H. Del Pilar,“ University College Journal iNo. 5 (1963); “The Evolution of Filipino Nationalism,” Chronicle Saturday Magazine (August 13, 1966); “Review Article of Usha Mahajani’s Book on Philippine Nationalism,” sa Southeast Asia (1972); “The Use of Socio-Scientific Concepts in the Study of Philippine History, “sa The Philippine Collegian (1973); at ang America’s Colonial Desk in the Philippines (University of the Philippines Press, 1975).
2 Ayon kay Cruz, ang kronolohiyang ito ay (1)nagmula sa huling taon ng 1800 hanggang 1850; (2) mga taon sa pagitan ng 1850 hanggang 1870; (3) ang “Panahon ng Sindak” na sumasaklaw sa isang dekada mula 1870 hanggang 1880; (4) ang paghina ng Kilusang Propaganda at ang pag-usbong ng Nasyonalismong Radikal noong 1890 hanggang 1896; at, (5) pagsisimula ng Rebolusyong Demokratiko ng 1972. Romeo V. Cruz, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, (Quezon City: Alemar-Phoenix Publishing House, Inc., 1975), vi-vii.
3 Ilan sa mga nabanggit sa kanyang artikulo ay ang mungkahi ni Gabriel F. Fabella na kilalanin si Dr. Pedro Pablo Pelaez bilang kauna-unahang makabayang Filipino dahil sa kanyang pangunguna sa kilusang sekularisasyon. Idagdag pa rito sina Zafra, Agoncillo, Zaide at marami pang iba na nanininiwala naman sa taong 1872 at sa pagbitay sa GOMBURZA ang siyang nagpasimula ng nasyonalismo sa bansa. Taliwas naman ito sa tinuran ni Guadalupe Fores-Ganzon na naniniwalang ang nasyonalismo ay pinasimulan noong mga taong 1880 ng mga katulad ni Rizal, del Pilar at iba pang mamamahayag ng repormista / propagandista. Maging ang pag-aaral ni Usha Mahajani na nagsasabing kay Lapu-lapu nag-ugat ang tinatawag niyang “aktibong nasyonalismo” ay hindi rin pinalampas ng panunuri ni Cruz. Cruz, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, pp. 1-3.
4 Ang dalawang anyo ng katapatang binabanggit at ang katapatan maka-Espanya na itinuturing ni Cruz bilang nasyonalismo at ang katapatan maka-Filipino bilang seksyonalismo. Cruz, Cruz, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, p. 9.
5 Mula ito kay David Potter, “The Historian’s Use of Nationalism and Vice Versa,” The American Historical Review, LXVII, 4 (July 1962), pp. 924-950 na binanggit sa Cruz, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, pp. 9-10.
6 Isinalaysay ni Cruz ang naging ebolusyon ng nasyonalismo na bunga ng pag-aaral ni J.H. Carloton Hayes, The Historical Evolution of Modern Nationalism, (New York: 1935). Ayon kay hayes, ang mga uri ng nasyonalismo ay: Makatao (Humanitarian); hakubin (Jacobin); Makaluma (Traditional); Liberal, Integral at Pang-ekonomiko. Cruz, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, p. 12.
7 Inisa-isa ni Cruz ang mga dekretong ito tulad ng kalayaan sa kalakalan (1813); dekretong pamparaalan (1863); reporma tungkol sa buwis (1884); reporma sa pamahalaan ng mga probinsya (1886); pagbubukas ng hukumang tagapamayapa sa Maynila at kapitolyo ng mga probinsya (1885); pagpasok ng Kodigo Penal (1887) at Kodigo Sibil (1889); Batas Maura (1893); at, pagpapatigil sa monopolyo sa tabako. Cruz, Ang Pagkabuo ng Nasyonalismong Filipino, pp. 17-18.

No comments: