Thursday, December 30, 2010

Pagninilay sa Bisperas ng Bagong Taon

Ngayong 2011, ititigil ko na ang paghahanap ko sa sarili. Hindi pala pwedeng hanapin ang hindi naman talaga nawawala. Magpapakahusay na lang ako sa mga dapat kong gawin sa buhay. Gawing halimbawa si Lee Candelaria (naks!) May ilang buwan na lamang para magpakahusay sa pagtuturo. Pagkatapos nito, saka na ako magdedesisyon kung anong daan ang susunod na tatahakin.

Tigib ng pighati ang 2010. Kagabi hanggang kaninang umaga ay muli kong binalikan ang mga naging bahagi ng masayang pag-ibig. At tuluyang binura sa memorya ng aking mga telepono. Sana maging pagsisimula rin ito ng paglimot. Tapos na ang mga araw na nagdadalamhati at nangangarap, panahon na upang harapin ang realidad. Batid ko namang may naghihintay din sa aking magandang kapalaran. Kung saan at kailan ko ito matutunghayan, iyon ay hindi ko alam. At hindi ko rin iyon hahanapin. Kusa siyang darating sa tamang panahon at pagkakataon. Hangad ko ang kaligayan para sa mga taong nagdusa dahil sa akin. Nawa'y makamit ninyo ang kapayapaan ng damdamin sa taong darating at sa mga susunod pa.

Ibabalik ko ang dating kahusayan -- sa pag-aaral man o sa aspetong propesyunal. Muli kong paninidigan ang tungkuling iniatas at taos-puso kong tinanggap apat na taon na ang nakararaan. Isa akong guro. Nakasampa sa aking mga balikat ang mga kabataang inaasahang makapagpapabago sa lipunang matagal nang nahihimbing sa kawalan.

Kailangan ko na ring tahakin ang sarili kong daan. Ako mismo ang gagawa nito. At sisimulan ko na sa madaling panahon. Lumilipas ang oras. Ang mga pangarap ay kailangang simulang buuin. Hindi ito kusang nabubuo. Kailangan ng pagkilos. At ako mismo ang dapat gumawa noon. Gagawin ko na. Aasikasuhin ko na ang mga dapat asikasuhin sa unang buwan ng taon para anuman ang mangyari, handa na ako. May magandang kinabukasang naghihintay sa ating lahat, iyon ay isang katotohanan ng buhay. Ngunit ito ay naghihintay para sa atin. Hindi ito darating nang kusa.

Tigib ng mga salita ang isip ko ngayon. Naisin ko mang isatitik ang mga ito, alam kong kukulangin ang mga pahina at mangangalay ang mga daliri ko. Ngunit isinisigaw ito ng puso ko. Panahon na para makinig. Baguhin ang sarili. Nang sa gayon, kahit sa isang tao man lang, ay may pagbabagong nasimulan.

Nawa'y kasihan tayo ng Maykapal. Isang mapagpalaya at mapayapang Bagong Taon sa ating lahat!

1 comment:

Unknown said...

Maluwalhating umaga sa iyo, Sir Mao..

Mayroon akong kaibigan na parehong-pareho sa pinagdadaanan mo..at tama ka sa iyong mga sinabi..hindi hinahanap ang pag-ibig..kusa itong dumadating sa tamang panahon at kadalasan ay sa hindi inaasahang sitwasyon at pagkakataon..saktong-sakto sa mga sinabi ko rin sa aking kaibigan..
Harinawa'y maging maayos at masaya pa rin ang iyong bagong taon..bagong ikaw..Sitty