Monday, July 1, 2013

DepED-IPsEO

Sa mga oras na ito, patapos nang maghapunan ang grupo. Maya-maya magsisimula na ang pagtatasa sa mga nangyari buong araw. Malamang, mainit na namang balitaktakan ito. Nakaka-stress madalas subalit sa pamamagitan nito nabibigyang halaga ang proseso ng pagtatasa. Nakakapagpabago ng perspektiba. Nakakapagpatalas ng isip. Nakakapagpalalim ng karanasan. 

Nakalulungkot lamang na hindi ko na lalabanan ang antok at pagod ngayong gabi para makibahagi sa mahalagang prosesong ito. Dahil sa gitna ng maalinsangang boarding area ng paliparan, kasamang naghihintay ang iba pang hahayo mula rito, ay mag-isa kong hinihimay ang mga karanasang nalikom at tumatak hindi lamang sa mga araw na inilagi ko sa Davao kundi maging sa kabuuan ng mga pangyayaring humubog at nagbigay-kulay sa dalawang buwan ng tag-init, taong 2013.

Lesson Planning


May dalawang bagay akong napatunayan ngayon: (1) na ako'y tunay na crammer; at (2) hard habit to break ang paggawa ng learning plan. 

Sa loob ng limang taon ng pagtuturo ko sa hayskul ay nakaabot na rin ako sa puntong kinatamaran ko ng gumawa ng lesson/learning plan. Minsan nga'y inuulit ko na lang. Copy-paste. Re-hash. Nakagawian na kasi. Paulit-ulit na lang. Na ultimo weekend nagagamit para lang sa pagsusulat nito. Maging mga idle moment na maituturing ay nagiging thinking space upang magconceptualize ng gagawin sa susunod na klase. Isang gawaing natural na para sa isang guro ng hayskul.

Pangalawang taon ko na ngayon bilang guro sa Unibersidad. Hindi na required ang learning/lesson plan. Maaari ngang pumasok sa klase na isang tanong lang ay sapat ng  lunsaran ng mainit at malalim na talakayan. Ngunit sa kabila ng ganitong kalayaan, hinahanap-hanap pa rin ng sistema ko ang paggawa ng learning plan... ang maasahang guide sa pagtuturo.

Nakatutuwang isipin, na ngayon, tulad ng nakagawian, hinapit ko ang dalawang learning outline para sa dalawang klase ko: PI10 at SOSC3. Kalakip nito ang mga pamprosesong tanong; activity sheets; mga takdang-aralin para sa susunod na linggo; at, maging ang balangkas ng gagawin kong lektura sa susunod na linggo. Ang sarap lang sa pakiramdam na batid mo kung gaano ka kahanda para sa mga klase kinabukasan. Hindi mo na iisipin kung ano ang magiging daloy ng talakayan sapagkat maging mga lunsarang at pamprosesong katanungan ay nakahanda na. Mismong pagtatanghal na lang ang kulang. 

Sa pagsusuma, hindi talaga matuturingan ang ilang taon ng pagsasanay sa batayang edukasyon, sa aking pagiging guro sa kolehiyo. Hindi ko man natapos agad ang aking masterado, masasabi ko namang naging maayos ang pagkakahubog sa akin bilang isang guro. Sapagkat ang katotohanan, naririto tayong mga guro hindi upang magpakadalubhasa para sa sarili kundi para maging mahusay na tagapagdaloy ng kaalaman para sa mga mag-aaral na higit na nangangailangan nito.

Monday, June 17, 2013

Martes. Slumbook.

Ilang minuto na lang at maga-ala una na ng madaling araw. Martes. Kauuwi lang mula sa pakikipaghuntahan sa mga kaibigan na nagsimula sa hapunan hanggang sa maghahatinggabi.

Ang katanungan sa isang slumbook, bagamat medyo kwela at mababaw sa unang tingin ay maaari palang maging lunduyan ng mas malalim na pagtatasa sa sarili at kapwa; mga halagahin at paniniwala; sa buhay at mga pangarap.  Ngayong gabi, kasabay ng mahinang pagpatak ng ulan at kapiling ang mga makukulit na kaibigan, nagawa naming sagutin ang mga tanong sa isang slumbook, gayundin ang mga tanong namin tungkol at para sa aming mga sarili.

 Ala-una y media na. May klase pa ako mamya. Bagamat hindi ko naayos ang magiging daloy ng klase ko sa linggong ito, tila may nakahanda na akong bagong istratehiya sa klase. :) Mukhang masusubukan ang  galing ng mga estudyante ko hindi lang sa pagsagot kundi maging sa pag-iisip ng mga malalaim na tanong.



Sunday, June 16, 2013

Catanduanes. Late Posting.

Isa na marahil sa masasabi kong mahalaga at masayang nangyari sa akin sa unang semestre ko rito sa Los Banos ang maimbitahan bilang tagapagsalita sa isang teacher-training seminar sa Catanduanes. Sadyang malapit sa puso ko ang nga guro mula sa Basic Education at ang makapagbahagi sa kanila ay isang oportunidad na hinding-hindi ko pinapalampas.


Kaya't lubos ang aking pasasalamat sa UP Catandungan-Los Banos at sa pangulo nito sa pagtitiwala sa aking kakayahan at kapasidad, ngunit higit sa mainit at masayang pagtanggap at pagi-estima sa buong panahong inilagi ko sa kanilang probinsya. Itinuturing ko ngayon ang aking sarili na mapalad at nakarating ako sa islang biniyayaan ng magandang tanawin, payapa at simpleng komunidad, masayahin at maalalahaning mamamayan, at wikang tila nilalambing ang aking pandinig.


Sa ilang araw na inilagi ko rito ay marami akong namalas na aspeto ng kulturang lubos na nagpapapatunay sa pagkaka-ugnay nating mga Pilipino sa kabila ng pagkakahiwalay na pisikal at heograpikal. Ang mga ilang aspeto sa wika at pamumuhay ay walang dudang Pilipino nga. Ang samyo ng hanging nagmumula sa karagatan ay nagpapaalala ng pagkakahubog natin bilang isang bayan sa kabila ng makukulay at tila magkakaibang kulturang siya namang nagpapatingkad sa ating kalinangan at kabihasnan.


Muli, nagpapasalamat ako sa mga bagong nakilalang kaibigan na siyang nagbukas ng aking kamalayan sa kariktan ng bayang ito at sa mga misteryong kinakanlong ng mga kabundukan at dalampasigang bumubuo rito.


Dios mabalos sa indo gabos, UPCatLB at sa magayong isla ng Catanduanes!

Linggo.


Quarter to seven na. Linggo. Ayon sa planner/timetable ko sa utak, dapat nagawa ko na ang (1) isang powerpoint presentation para sa unang lecture ko tungkol sa 19th century Philippines; (2) nasagutan ang ipinadalang training evaluation questionnaire ni Kang; (3) nakapagplantsa ng mga polong daldahin at susuotin ko sa linggong ito; (4) naayos ang mga file sa mga USB at external harddrive; (5) scan at mag
print ng slumbook sheets para sa SocSci3 class ko; (6) maghanda ng timetable ng mga activity at attendance sheet para sa mga klase ko sa PI10; at (7) magempake ng mga gamit na dadalhin ko sa pagluwas ko sa LB bukas.  Subalit yun nga. sa paglipas nh limang minutong pagtype ng mga naunang pangungusap, dalawa lamang sa limang item sa to-do list ko ang aking nagagawa. Anong nangyari? 

Ano na nga ba ang nangyayari sa akin? Hindi lamang ito isang simple ngunit kumplikadong kaso ng katamaran. Oo. Magulo. Simple ngunit kumplikado. Isang bagay na kailangan kong pag-isipan ng malalim at pagdesisyunan habang may panahon pa. 

Tatlong minuto bago mag alas-otso. Kasabay ng pagtipa sa screen ng iPad ay ang pagsasaayos sa utak ng kung ano-anong mga gawain ang dapat maisagawa ngayong gabi. Kailangan kong kumilos. Hindi ko papayagang tuluyang lamunin ako ng sakit na ito. Dahil pag nagkataon, tuluyan ko ng hindi makikilala at malamang na maikahiya ko na rin ang aking sarili.

Isang minuto na lang. Heto na. Kikilos na.