Monday, July 1, 2013

DepED-IPsEO

Sa mga oras na ito, patapos nang maghapunan ang grupo. Maya-maya magsisimula na ang pagtatasa sa mga nangyari buong araw. Malamang, mainit na namang balitaktakan ito. Nakaka-stress madalas subalit sa pamamagitan nito nabibigyang halaga ang proseso ng pagtatasa. Nakakapagpabago ng perspektiba. Nakakapagpatalas ng isip. Nakakapagpalalim ng karanasan. 

Nakalulungkot lamang na hindi ko na lalabanan ang antok at pagod ngayong gabi para makibahagi sa mahalagang prosesong ito. Dahil sa gitna ng maalinsangang boarding area ng paliparan, kasamang naghihintay ang iba pang hahayo mula rito, ay mag-isa kong hinihimay ang mga karanasang nalikom at tumatak hindi lamang sa mga araw na inilagi ko sa Davao kundi maging sa kabuuan ng mga pangyayaring humubog at nagbigay-kulay sa dalawang buwan ng tag-init, taong 2013.

Lesson Planning


May dalawang bagay akong napatunayan ngayon: (1) na ako'y tunay na crammer; at (2) hard habit to break ang paggawa ng learning plan. 

Sa loob ng limang taon ng pagtuturo ko sa hayskul ay nakaabot na rin ako sa puntong kinatamaran ko ng gumawa ng lesson/learning plan. Minsan nga'y inuulit ko na lang. Copy-paste. Re-hash. Nakagawian na kasi. Paulit-ulit na lang. Na ultimo weekend nagagamit para lang sa pagsusulat nito. Maging mga idle moment na maituturing ay nagiging thinking space upang magconceptualize ng gagawin sa susunod na klase. Isang gawaing natural na para sa isang guro ng hayskul.

Pangalawang taon ko na ngayon bilang guro sa Unibersidad. Hindi na required ang learning/lesson plan. Maaari ngang pumasok sa klase na isang tanong lang ay sapat ng  lunsaran ng mainit at malalim na talakayan. Ngunit sa kabila ng ganitong kalayaan, hinahanap-hanap pa rin ng sistema ko ang paggawa ng learning plan... ang maasahang guide sa pagtuturo.

Nakatutuwang isipin, na ngayon, tulad ng nakagawian, hinapit ko ang dalawang learning outline para sa dalawang klase ko: PI10 at SOSC3. Kalakip nito ang mga pamprosesong tanong; activity sheets; mga takdang-aralin para sa susunod na linggo; at, maging ang balangkas ng gagawin kong lektura sa susunod na linggo. Ang sarap lang sa pakiramdam na batid mo kung gaano ka kahanda para sa mga klase kinabukasan. Hindi mo na iisipin kung ano ang magiging daloy ng talakayan sapagkat maging mga lunsarang at pamprosesong katanungan ay nakahanda na. Mismong pagtatanghal na lang ang kulang. 

Sa pagsusuma, hindi talaga matuturingan ang ilang taon ng pagsasanay sa batayang edukasyon, sa aking pagiging guro sa kolehiyo. Hindi ko man natapos agad ang aking masterado, masasabi ko namang naging maayos ang pagkakahubog sa akin bilang isang guro. Sapagkat ang katotohanan, naririto tayong mga guro hindi upang magpakadalubhasa para sa sarili kundi para maging mahusay na tagapagdaloy ng kaalaman para sa mga mag-aaral na higit na nangangailangan nito.